pagmumuni-muni sa isang lumang nobela
ni U Z. Eliserio
KASAYSAYAN NG DI LANG ANGHEL
Isinulat ko ang Di Lang Anghel sa mga huling buwan ng 2007. Ilan taon na rin akong nagtuturo sa panahong ito sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa UP Diliman, at, mas mahalaga, nakabenta ako nang sapat na kopya ng nobeleta kong Sa mga Suso ng Liwanag (2006), kaya buo ang tiwala ko sa indepedyeteng paglalathala o self-publishing. Noon hanggang ngayon, medyo kulang ako sa kamalayan-sa-sarili. Samantalang maaksyon ang Liwanag dahil kwentong detective ito, “preachy na dull” na matatawag ang Anghel. Kakabasa ko lang kasi ng After Theory ni Terry Eagleton (2003), at nakumbinsi ng kanyang mga argumento para sa “etika ng birtud” (virtue ethics). Nais ng mga rebeldeng anghel na maging higit pa sa kung ano ang itinakdang maging pag-iral nila, maging “di lang anghel.” Isinama ko ang orihinal na introduksyon ng kaibigan kong si Anna Sanchez, awtor ng Pics or It Didn’t Happen, kahit dito sa edisyong 2026 para hindi ko makalimutan ang kanyang katapatan. Imbes na bola-bolahin ako at magbigay ng pekeng papuri sa kanyang introduksyon, wala namang mawawala sa kanya, talagang tinira niya ang mga kapalpakan nito. Hanggang ngayon tawang-tawa pa rin ako sa paglalarawan niya sa isa sa mga bida bilang “embodiment of all that is epal in the world.”
ANG BAGONG EDISYON
Itong edisyong 2026 ng Anghel ay may bagong pabalat. Tatlo na ang naging pabalat nito. Ang orihinal na pabalat na ako ang nagdisenyo (picture ko lang ito na idinaan sa kung ano-anong filter sa piniratang Photoshop). (Speaking of pirata, ang Anghel ang isa sa tatlong libro kong nasa Anna’s Archive. Hindi ko alam kung paano sila napunta doon. May automated pirating machine ba para sa lahat ng ebook na lumalabas sa Google Play Books o Apple Books?) Ang ikalawang cover naman ay gawa ni Lester Banzuelo para sa Flipside. Defunct na ang Flipside Publishing ngayon, bagaman may entidad pa rin na Flipside ang pangalan, iba na ang negosyo nila, hindi na pagbebenta ng ebook. Ang Flipside ang naglabas ng unang bersyong ebook ng Anghel noong 2008. Napakaganda ng cover ni Banzuelo, na nahuli ang deskrisyon ko sa anghel sa nobela: taong-lobong bumubulwak ang mga galamay mula sa likod. (Ang working title ng Anghel sa Sa mga Galamay ng Dilim, naisip ko para magkaroon ito ng continuity sa Liwanag, dahil nga “shared universe” sila.) Itong ikatlong pabalat ay mula naman kay Dawn Llanera, na siya ring nagdisenyo ng cover ng koleksyon ko ng mga maikling kwento na Tatlong Larawan at koleksyon ko ng mga dula na Ang Trahedya ni Bert (parehong inilathala ng UP Press, 2022 at 2026, respectively.) Ang aesthetic naman sa cover na ito ay minimalist. Ang edisyong 2008 ay dedicated sa kaibigan kong si Jayson Petras, at ito namang edisyong 2026 ay dedicated sa alaala ng aking tiyahin. Siya ang nagbigay sa akin ng 30,000 noong 2008 para malathala ang Anghel. Nabayaran ko rin siya pero hindi mula sa benta ng Anghel, dahil nga walang gustong bumili nito. Noong 2016 mayroon pa siguro akong 400 kopya nito. Nilamon silang lahat ng apoy na siya ring tumupok sa Faculty Center ng College of Arts and Letters.

PULITIKA NG ANGHEL
Bagaman sa tingin ko ay may pagkukulang ako sa pagkakasulat ng nobelang ito, pinipili ko pa ring ilabas niya ngayon bilang ebook, dahil pulitika at etika nito. Ang mga loyalistang anghel sa nobela ay “nanglalaho,” na alegorya ko noon sa “forced disappearances” na nagaganap sa ilalim ng gobyerno. Ang edisyong 2008 ay mayroon pa ngang epigraph na sipi mula sa “Kabilang sa mga Nawawala” ni Ricky Lee, isang maikling kwentong gustong-gusto ko, at kailanman ay hindi ko mapapantayan ang husay. Hanggang ngayon pa rin naman ay kumbinsido ako sa pagpapaliwanag ni Eagleton sa etika ng birtud: ang layunin ng isang tao ay maging “mahusay.” Ang kahusayan ay maaari lamang makamit kung ang lipunang kanyang kinabibilangan ay makatarungan. Ang “pagpapaganda,” kung gayon, ay walang hindi hiwalay sa pakikipaglaban para sa katarungang panlipunan. Ang salin ko sa salin ng sinabi ni Adorno na “Wrong life can’t be lived right” ay “Walang mabuting tao sa masamang mundo.” Sa mga sandaling isinusulat ko ang mga salitang ito, baha na naman sa Manila at sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Dalawang problema. Ang pagnanakaw ng perang nakalaan sana para sa flood control, at ang pagpapalala ng krisis sa klima sa hindi naman mapipigilang El Niño. Pambansa at internasyonal ang lebel ng problema. Ibig sabihin, hindi talaga pwede ang indibidwalistikong solusyon. Kailangan ng kolektibong tugon. Paglilinaw: sinasabi kong “preachy na dull” ang Anghel hindi dahil may “mabuting aral” ito o “mensahe,” o “pulitika,” ito, kundi dahil mintis ang paraan ko rito ng argumentasyon. Nakalimutan ko na para makumbinsi mo ang iyong kausap, ang iyong mambabasa, kailangang mahusay ang iyong porma o anyo. Hindi pwedeng dahil “tama” ako ay awtomatiko nang mapapaniwala ang aking mambabasa. Ang pinakamalaki kong takot ay balewalain o sumalungat pa nga ang mambabasa sa konsepto ng etika ng birtud dahil sa pangit ng aking presentasyon nito.
PAGLILIGTAS SA MGA ANGHEL
Tanging ang kaibigan kong si Chuckberry Pascual, awtor ng Daddy at Ang Nawawalang Barangay, ang nagustuhan ang Anghel. Nagtitiwala ako sa kanyang sinabi, dahil hindi naman nagsisinungaling siya Chuck pag hindi niya gusto ang aking isinulat. Isang beses, habang binabasa ang draft ng aking nobelang Dalawang Prinsesa, na malapit ko na rin ire-release bilang ebook, tinawagan pa niya ang kaibigan naming si Maynard Manansala, awtor ng Tao Po, para lang magreklamo. Ganoon katindi ang kanyang reaksyon dito. Binabasa niya ito habang nasa airport, at kailangan niyang ilabas talaga ang kanyang suklam. Nang magkita kami ulit, sinabi niya sa akin lahat ng reklamo niya tungkol sa Prinsesa. (Ang pinakahuling proyekto ko na “kinatay” ni Chuck ay ang pagtatangka kong i-revamp ang aking podcast. Nagpapasalamat ako sa Diyos at mayroon akong ganitong katapat na kaibigan.)
Hindi ko na ipagtatanggol ang mga pormal na bahagi ng nobela na sa tingin ko ay may halaga pa rin naman kahit papaano, nasa mambabasa na iyon kung may magustuhan nga siya o wala.
ANG ELISERIO LITERARY UNIVERSE
Ang Anghel ang dapat ay ikalawa sa trilohiya. Ang una na nga ay ang Liwanag, at ang ikatlo naman ay may ubod ng bastos na pamagat na hindi ko na isusulat dito. (Re-telling o muling pagkukwento dapat ito ng Oedipus Rex.) Hindi ko na naisulat ang pangatlo sa nobela, naubusan talaga ako ng gas nang walang bumili ng Anghel. Simpleng “coda” na lang ang naisulat ko, ang maikling kwentong “Diyos Anak” na lumabas sa unang koleksyon ko ng maikling kwento, ang Apat na Putok, inilathala ng PUP Press noong 2008. Sa maikling kwentong ito, magkikita ang demigod na si Penelope, mula sa Anghel, at ang piksyonal na U, mula sa Liwanag. Sa dulo ng “Diyos Anak,” tatanggapin ni U ang kanyang pagka-diyos at maghihimala. Bagaman hindi pa ako nakakapagbasa ng libro ni Brandon Sanderson sa puntong ito, nagkaroon ng kaunting impluwensya ang kanyang proyekto ng paglalarawan ng iba’t ibang uri ng divinidad sa Cosmere sa pagbabalangkas ko ng mga diyos sa aking Eliserio Literary Universe. Naabandona ko ang proyektong ito, at, bukod sa “Diyos Anak,” ang tangi na lang nabubuhay na trace nito ay si Jenny, sa “Si Jenny, Umiibig” sa Larawan, at “Pagbasa mula sa Unang Aklat ng Like a Rowling Stoned” na nasa Eksamen (UP Press, 2021).
ANG MABUTING BALITA
Noon pa man ay mahilig na ako sa mga relihiyosong paksa. Kita ito sa una kong nalathalang maikling kwento, ang “Toilet Reading” na nalathala sa Sunday Times Magazine noong 2003, sa eksperimental na tekstong “After Armageddon,” na lumabas naman sa Kalasag noong 2003, at sa maikling kwentong “Diyos Ko,” na unang nalathala noong 2003 sa Philippine Humanities Review at kasama sa Putok. Hanggang sa kabanatang “Etsas at So Dumi” ng nobela kong Ang mga Alipin (inilabas ng Ateneo de Manila Press sa imprint nilang Bughaw noong 2025), nag-iisip pa rin ako tungkol sa Diyos. Hindi na naman ako galit sa Diyos. Ang naranasan ko noong maagang 2000’s ay normal na pagrerebelde ng isang lumaking Katoliko. Lahat naman dumaan dito. Sabi sa akin ni Vim Nadera noong 2003 sa UP National Writers Workshop, “Pag nagkaanak ka na maniniwala ka ulit sa Diyos.” Mali siya, kasi matagal na matagal bago ako nagkaanak, naniwala na ako ulit sa Diyos. Mali rin sigurong sabihin ito, dahil hindi naman ako tumigil sa paniniwala sa Diyos. Nagtatampo lang siguro ako. Ang sukdulan ng aking pagtatampo ay inilabas ko sa Karitas at Damaso, na inilathala sa tinig.com noong 2005 bilang “Damaso at Karitas,” itinanghal ng UP Rep noong 2016, at nasama sa koleksyon ng mga dula namin nina Maynard at Chuck na Kolab (UP Press 2018)). Maaaring pakinggan ang ilan sa mga kanta sa Soundcloud. Ang musika at produksyon ay mula sa ubod ng talentadong sina Daniel Lachica at Llyod Finca. Si Joyce Bacilili ang umawit ng “Hesus, Salamat!” si Jemee Allarde naman ang kumanta ng “Asawa Ko.” BABALA. Ubod ng bastos at lapastangan ang mga kanta, pati na rin ang kabuuan ng Karitas at Damaso.
TEOLOHIYA
Hindi ko itinatatwa ang aking dula, pero, mali-mali talaga ang ilang punto nito. Halimbawa, hindi ko pa naiintindihan noon na magkaiba si Hesus at ang Kristo. Problema ko pa rin hanggang ngayon ang isyu ng kabuktutan (i.e. kung mabuti at makapangyarihan ang Diyos, bakit may kabuktutan sa mundo?). Pero kumbinsido ko na ang aking sarili na mahal tayo ng Diyos. (Baryasyon ang aking argumento ng argumento ni Eagleton sa kanyang kritika kay Dawkins, “Lunging, Flailing, Mispunching,” lumabas sa London Review of Books noong 2006. Hanggang ngayon siguro ay disipulo akong matatawag ni Eagleton. Bagaman kailangan ding ipaalala na baryasyon lang naman ang kanyang paglalarawan ng pagmamahal ng Diyos sa atin sa teolohiya ni Santo Tomas, bagay na hindi naman ikinakaila ni Eagleton.) Pero hindi pilosopiya ang pangunahing batis ng aking teolohiya, kundi palabas sa telebisyon. Ang tinutukoy ko ay Stargate SG-1, specifically ang ika-11 episode mula sa ikasyam nitong season, ang Part 2 ng “The Fourth Horseman.” Dito, kinukumbinsi ni Teal’c (Christopher Judge) si Gerak (Louis Gossett Jr), na naging Prior, na lumaban sa mga Ori, na gumamit ng biyolohikal na sandata laban sa mga tao. Sabi ni Teal’c, pareho lang ng mga Goauld ang mga Ori, mga pekeng diyos. Sabi ni Gerak, hindi. Kasi ang mga Goauld, may mataas lang na lebel ng teknolohiya, pero ang mga Ori, totoong may kapangyarihan. Hindi nagpanggap. Pero sabi ni Teal’c, paano mo ba susukatin ang isang diyos? Sa kapangyarihan bang mayroon siya? O kung makatarungan ba siya? Ibig sabihin, wala sa lakas ang pagiging tama, kundi sa pagiging tama. Alagaan mo ang kabutihan, at aalagaan ng Diyos ang sarili niya.
PAGBABALIK SA INDEPENDYENTENG PAGLALATHALA
Sa pagtanda ng isang tao, humuhupa ang kanyang pagrerebelde. Noong 20’s ko, akala ko’y guguho ang mga institusyong pampanitikan ng Pilipinas dahil lang inigpawan ko ang mga “gatekeeper” sa paglalathala ng sarili kong libro. Naging mas sinikal ako sa aking 30’s, dahil na rin sa pangangailangang kumain at magbayad ng upa. Ngayon sa aking 40’s, hinahanap ko pa rin ang balanse. Kaya siguro hindi ko mabitiwan ang mga akdang ako ang naglathala, ang Liwanag, itong Anghel, at ang huli kong inilabas, ang Misteryo ng Katana. (Sa sobrang walang bumili ng Misteryo, nagmumukhang bestseller ang Anghel.) Sa malayong kinabukasan, sa Utopia, libreng mababasa ang mga libro ko, pati na rin ang libro ng ibang tao, at walang nagugutom. Sa ngayon, pwede naman talagang piratahin ang Anghel. Kaya wala rin naman akong guilt na ibinibenta ko ang ebook nito. Hindi ko naman pinagtataksilan si Gibreel. Excited ako dahil marami pa akong balak na ilabas bilang ebook, hindi lang ang mga nauna kong libro, kundi mga bagong proyekto.
PAGBABALIK-TANAW SA DI LANG ANGHEL
Nakakagulat ang panahon. Ngayong 2026 ang ika-20 kaarawan ng Liwanag, at ika-10 ng koleksyon ko ng kritisismo, ang Kami sa Lahat ng Mataba na lumabas noong 2016 mula sa UST Publishing. Dalawang taon na lang at ika-20 kaarawan na ng Anghel. Laganap pa rin ang karahasang alegorikal kong inatake. May nagbago ba sa Pilipinas? Susmaryosep, mas lalo pa nga itong lumala!
U Z. Eliserio is the author of the novels Ang mga Alipin (Bughaw 2025) and Bampira! (Milflores 2025). He is a playwright and critic, and has translated the works of Emma Goldman, Bakunin, Rousseau, and Nietzsche into Filipino. He has recently re-released his 2008 novel, Di Lang Anghel. Click on this link to buy Di Lang Anghel.